Mag-asawa timbog sa shabu

Kalaboso ang mag-asawa makaraang mahulihan ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot ng pasukin ng pulisya ang kanilang bahay, kahapon ng umaga sa Marikina City.

Ang mga suspect na kasalukuyang nakapiit ngayon sa Marikina detention cell ay nakilalang sina Edwin Nepomuceno, 35 at ang asawa nitong si Asuncion, 47, ng M.H. del Pilar St., Brgy. Calumpang ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat, dakong alas-7:45 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Marikina police na mayroong nagaganap na pot session sa bahay ng mag-asawa kaya agad na rumesponde ang mga tauhan ng Anti-Narcotics Unit at pinasok ang bahay ng mga suspect. Hindi naman naabutan ng mga ito ang ginawang pot session subalit nakuhanan ng dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu ang mag-asawa.

Sa presinto inamin naman ng mga suspect na kanila ang nakuhang shabu ng pulisya subalit hindi nila ito pambenta kundi pansariling gamit lang. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments