Messenger ng BIR patay sa holdap

Patay ang isang messenger ng Bureau of Internal Revenue (BIR ) matapos na barilin ng tatlong hinihinalang holdaper kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Patay na nang idating sa Fairview General Hospital ang biktimang si Ronilio Casimina, 33, ng Columbia St., Harmony Hills Subdivision San Jose Del Monte, Bulacan sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng katawan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Litex Road, Fairview.

Kapwa sakay ng pampasaherong jeep ang biktima at suspect nang biglang magdeklara ng holdap ang huli.

Ayon sa mga saksi, nanlaban ang biktima nang kinukuha ng mga suspect ang kanyang cellphone at iba pang gamit.

Dahil dito, mabilis na binaril ng mga suspect ang biktima at saka mabilis na nagsitakas. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments