Ginang pumalag sa rape, kinatay ng rapist

Patay ang isang 29-anyos na separada matapos itong pagsasaksakin ng isang lalaki na pumasok sa banyo ng una habang ito ay naliligo, kahapon ng umaga sa Pasig City.

Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktimang si Joyce Corona matapos itong magtamo ng 15 saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan, samantalang mabilis namang nakatakas ang suspect na nakilalang si Melchor Novelo, ng Tawid Sapa, Novaliches City, pamangkin ng may-ari ng bahay na inuupahan ng nasawi.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:40 ng umaga habang naliligo ang biktima sa inuupahang bahay sa may Victor Javier Alley, Dr. Sixto Avenue, Brgy. Rosario ng nabanggit na lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon na puwersahang pinasok ng suspect ang bahay ng biktima bitbit ang isang patalim. Diniretso nito ang banyo kung saan nandoon at naliligo ang biktima na tinangka nitong gahasain.

Nanlaban ang biktima dahilan naman upang pagsasaksakin siya ng suspect. Sa kabila ng mga sugat sa katawan ay nagawa pang makalabas ng banyo ng biktima nang hubo’t-hubad upang humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Dito na nataranta ang suspect at mabilis na tumakas. Mabilis na isinugod ng sumaklolong kapitbahay sa pagamutan ang biktima subalit hindi na rin pinalad na makaligtas. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments