Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang suspect na si Rosauro Inocencio, isa sa mga most wanted sa listahan ng pulisya sa kasong robbery at attempted murder, habang nagtamo naman ng isang tama ng bala sa balikat si PO2 Johny Diano ng Quezon City Police District-Special Weapon and Tactics (QCPD-SWAT) na kasalukuyan pang ginagamot sa St. Lukes Medical Center habang isinusulat ang balitang ito.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, natiyempuhan ng mga pulis ang suspect sa Cubao area dakong alas-3 ng hapon upang arestuhin dahil na rin sa warrant of arrest na inilabas ng korte laban dito.
Nabatid na sa halip na sumuko ay mabilis na tumakbo ang suspect at pumasok sa may ikalawang palapag ng isang 4-door apartment sa 104 Imperial St., Cubao, Quezon City at doon nadatnan nito sa loob ang isang 2-buwan gulang na sanggol at yaya nitong si Nenita Vertulpo, 38-anyos at dalawa pang kalalakihan na ayaw magpabanggit ng pangalan at hinostage ang mga ito.
Agad namang rumesponde ang mga kagawad ng QCPD-SWAT at matapos na hindi magkasundo sa negosasyon ay hinagisan ng operatiba ng teargas ang loob ng kuwarto.
Agad na pinasok ni PO2 Diano ang loob ng kwarto upang iligtas ang mga biktima ngunit pagbungad pa lamang nito sa pintuan ay agad na sinalubong ito ng putok ng suspect sanhi upang tamaan ang una sa balikat.
Hindi naman nag-atubili ang mga kasamahan ni PO2 Diano na gantihan ng putok ang suspect na siyang naging dahilan ng agaran nitong pagkasawi, habang ligtas namang nabawi ng operatiba ang mga biktima.