Nakaditene sa MPD Station7 ang suspect na si Julio de Dios, 56, ng Pag-asa St., Gagalangin, Tondo.
Nakatakas naman ang isa pang kasamahan nito na nakilalang si Oscar Villanueva matapos na agad na matunugan ang nakaumang na operasyon ng pulisya.
Ayon sa ulat, inihain ng pulisya ang warrant of arrest buhat sa Parañaque Regional Trial Court sa kasong hijacking at kidnapping dakong alas-10 ng gabi matapos na may makapagbigay ng impormasyon ukol sa ginagawang pagtatago nina Villanueva at De Dios.
Hindi naman nanlaman sa mga pulis si De Dios nang arestuhin, ngunit nagawa namang makapulas ni Villanueva.
Sangkot umano ang dalawa sa mga kaso ng pangha-hijack sa isang cargo truck noong Mayo 2003 sa Parañaque City kung saan dinukot din ng mga ito ang driver at pahinante na sina Agapito Penbaflor at Teogilo Calasag na kapwa hindi pa natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.
Inamin naman ni De Dios na dalawa sa mga kasamahan nila ang nadakip na ng Parañaque police, ngunit patuloy pa ring nagtatago ang kanilang pinuno at financier na si Eddie Go-Mendoza. (Ulat ni Danilo Garcia)