Padyak boy binoga

Hinihinalang dahilan na naman sa sigalot sa droga kung kaya pinagbabaril at napatay ang isang pedicab driver, habang nag-aabang ng pasahero, kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay makaraang isugod sa Ospital ng Sampaloc ang biktima na si Norman Chan, 28, residente ng Main St., Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling araw sa may Elisondo St., Sampaloc .

Ayon sa kuya ng biktima, ginising siya ng kapatid at hiniram ang kanyang pedicab para mamasada.

Nag-aabang ng pasahero ang biktima nang dumating ang isang grupo ng lalaki at agad na pinagbabaril ito habang nakasakay pa sa kanyang pedicab. Mabilis na tumakas ang mga suspect matapos ang pamamaril.

Pangunahin sa anggulong sinusuri ng pulisya ay ang sigalot droga, gayunman masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ukol dito para matiyak ang motibo sa pagpaslang at kung sino ang posibleng gumawa nito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments