Ayon sa talaan ni Brgy. Capt. Fermin Bilaos na base na rin sa impormasyon mula sa barangay health centers, naitala ang 64 na dengue cases kung saan ang malaking bahagi ng bilang ay mga bata na nakatira sa Sitio San Roque, Brgy. Pag-asa simula noong Hunyo 2005.
Ilan sa mga pasyente ay magaling na habang ang ilan ay nakaratay pa rin sa ibat ibang pagamutan, habang walo naman ang namatay dahil na rin sa nasabing sakit. Isa rito ay nagngangalang Terrence.
Ayon naman kay Rommel Romulo ng Sanitation Division, hinihikayat nito ang residente na maging malinis sa kanilang kapaligiran dahil na rin sa ilang beses nang nagsagawa ng mga fumigation sa nasabing lugar upang makaiwas sa mga lamok.
Nakipag-ugnayan na rin ang health officials sa Sitio San Roque at Pag-asa Proper para sa kaukulang hakbang upang mapuksa ang mapaminsalang mga lamok na namamahay sa mga stagnant water sa lugar.
Maging ang paaralan ng Pag-asa Elementary School na may malaking fish pond na maaari ring pinanggagalingan ng lamok ay bubugahan din ng usok dahil sa apat na estudyante nito ang kabilang sa talaan ng namatay dahil sa dengue. (Ulat nina Doris Franche at Angie dela Cruz)