Nakilala ang naarestong suspect na si Army Sgt. Generoso Munos, 40, at residente ng Block 9 Lot 27 Rosa Buhay na Tubig, Imus, Cavite.
Sa kabila ng pagkakaaresto sa suspect ay nawawala pa rin ang biktimang kinilalang si Mariane Isabel Calleya, ng #25 San Antonio Rhea Village Subdivision, San Pedro, Laguna.
Sa ulat ng WPD-Station 5, nadakip si Munos dakong alas-3:45 ng madaling-araw matapos na mamataan ng tiyahin ng biktima na si Aling Josie habang nakaistambay sa may Plaza Salamangka sa panulukan ng Kalaw at Taft Avenue, Ermita.
Ayon kay Aling Josie, pauwi na sana ng Davao ang kanyang pamangkin nang makilala nila si Munos sa Plaza Salamangka na nakipagkaibigan sa kanila noong Hulyo 15 ngunit nang makalingat ay agad na isinakay sa isang bus ang dalagita.
Halos araw-araw at gabi-gabi na naghintay umano si Aling Josie sa naturang plaza sa pag-asang makikitang muli ang suspect at hindi nga siya nabigo nang muli itong sumulpot. Agad na humingi ito ng tulong sa MPD-Station 5 (Ermita) kung saan naaresto ang suspect.
Nagpakita naman ng identification card si Munos kung saan isa umano siyang pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ngunit nadiskubre rin na peke ito. Kalaunan, sinabi ni Munos na isa siyang sundalo at ginagamit lamang niya ang ID ng PNP bilang proteksyon umano sa mga pulis na nangongotong.
Itinanggi nito na dinukot niya si Calleya na kusang-loob umanong sumama sa kanya at nagpahanap ng trabaho sa Batangas. Nang hindi makakita ng trabaho, inihatid pa umano niya sa Plaza Salamangka ang biktima at hindi na niya alam ngayon kung nasaan ito. Sinabi naman ni Aling Josie na araw-araw siyang nag-aabang sa naturang plaza at hindi nakikita ang pamangkin. Nangangamba ito ngayon na posibleng may masamang ginawa si Munos sa dalagita. (Ulat ni Danilo Garcia)