Inireklamo ni Lenny Maculbatol, supervisor ng Caltex gas station sa may panulukan ng Panaderos at Damayan St., Sta. Ana, ang pagiging inutil umano ng mga pulis nang hindi agad magresponde matapos na humingi siya ng saklolo.
Nabatid na dakong alas-9:40 ng gabi nang dumating ang tatlong hindi nakilalang holdaper sa naturang gas station at agad na tinutukan ng baril ang mga empleyado nito.
Tinangay ng mga suspect ang kaha ng istasyon na naglalaman ng P20,000; mga cellphone ng empleyado at credit cards. Mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng isang gray na kotseng Toyota (ESR-421).
Agad namang tumawag si Maculbatol sa WPD-Station 6 na may isang kilometro lamang ang layo sa gas station ngunit 20 minuto pa ang tumagal bago nakarating ang mga ito.
Ayon kay Maculbatol, ikinatwiran umano sa kanya ng sumagot na desk officer na dadalawa lamang silang pulis na naiwan sa istasyon dahil sa ipinadala ang iba nilang mga tauhan bilang dagdag na puwersa sa Batasan Complex, Quezon City, sa pagdaraos ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo at puwersa na magbabantay sa Palasyo ng Malacañang.
Dakong alas-10 na ng gabi nang dumating ang dalawa lamang na pulis sa naturang gas station at hindi na nag-abala pang habulin ang mga suspect dahil sa sobrang tagal ng kanilang pagresponde. (Ulat ni Danilo Garcia)