Sa ulat na tinanggap ni Senior Inspector Edgardo Ariate, hepe ng Station Investigation Bureau ng Las Piñas City Police, kinilala ang mga nadakip na suspect na sina Nelson Politan, 42, trader at Leonardo Realatado, 31, kapwa residente ng Block 3, Lot 5, Saint Andrew St. Patricia Homes, Brgy. Pamplona 2 ng nabanggit na lungsod.
Nakumpiska sa mga ito ang dalawang granada, isang ingram na may silencer, 1 colt armalite, 1 Harington M16 armalite, 1 Maverick shotgun, 1 rifle grenade, mga bala ng 9MM, 51 pirasong bala ng M16 armalite, 1 set ng motorcycle vest, 4 na pirasong live flares, PNP Badge, 1 cal.22 revolver at 10 piraso ng bala nito.
Nabatid na nagsagawa ng monitoring ang pulisya kaugnay sa preparasyon sa seguridad bukas (Lunes) sa SONA ng Pangulo.
Nakatanggap sila ng intelligence report na may grupo ng mga infiltrator ang maghahasik ng kaguluhan at dahil dito, isinagawa ang follow-up operation.
Dakong alas-11:30 ng tanghali nang salakayin ng operatiba ang bahay ng mga suspect sa nabanggit na mga lugar kung saan ay ginagawa ito. Una itong inireklamo ng barangay dahil sa walang building permit sa isinasagawang konstruksyon.
Sa halip na makipag-usap ni Politan ay galit pa itong lumabas ng bahay at may nakasukbit na baril sa bewang nang kuwestiyunin ng pulis ay wala itong maipakitang papeles. Nang tuluyang pasukin ang bahay ay doon nakita ang maraming matataas na uri ng baril at mga bala.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ang mga suspect at inaalam kung ang mga ito ay kabilang sa mga sinasabing infiltrator na maghahasik ng kaguluhan sa SONA.