Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drug Act of 2002 ang suspect na si Sami Amanullah, 38, ng 65 CM Recto St., Inner Circle, BF Homes, Parañaque City.
Sa ulat ng NBI Special Task Force, nakatanggap sila ng impormasyon buhat sa isang asset ukol sa ilegal na pagbebenta ni Amanullah ng gamot na Valium sa kanyang tirahan.
Agad na nagsagawa ng berepikasyon ang NBI sa Bureau of Food and Drugs at nabatid na hindi lisensiyado ang suspect na magbenta ng naturang droga.
Dito na kumuha ng search warrant ang ahensiya na inilabas ni Judge Antonio Eugenio Jr. ng Manila RTC Branch 24. Sinalakay ng mga ahente ng NBI at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang bahay ng suspect.
Nasamsam sa isinagawang raid ang may 780 tabletas ng Valium at tinatayang 107.2 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng aparador sa kuwarto ni Amanullah. Ibat ibang uri rin ng gamot na nagkakahalaga ng P1 milyon ang nasamsam dahil sa wala ring permiso ang suspect na magbenta ng mga ito.
Inamin ni Amanullah na siya ang may-ari ng mga nasamsam na gamot. (Ulat ni Danilo Garcia)