Nabatid na dakong alas-6 ng umaga nang sumiklab ang isang sunog sa isang condominium sa may 1675 Icanciano at Merced Sts. sa Paco, Maynila. Agad namang naapula ang apoy, pero dito nadiskubre ng mga bumbero ang ibat-ibang kemikal at mga kasangkapan gamit sa paggawa ng shabu sa loob ng Unit 1 ng establisimento.
Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng Anti-Illegal Drugs Special Operations (AIDSOTF).
Ayon kay AIDSOTF chief, Deputy Director General Ricardo de Leon, tinatayang aabot sa 16 kilo ng ketamine o mas kilala sa tawag na "K" ang nakumpiska sa loob ng condo unit na inuupahan ng isang umanoy Japayuki na si Dianne Manansala. Bukod dito, nadiskubre rin sa loob ng unit ang ibat-ibang uri ng apparatus at kagamitan sa pagluluto ng droga.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad na isinisilid ang ilegal na droga sa mga juice tetra pack upang mailusot sa mga awtoridad palabas umano sa bansa. (Ulat nina Danilo Garcia at Joy Cantos)