Ginagamot ngayon sa Capitol Medical Center ang magkapatid na sina Patrick Dy at Pamela Dy-Aguirre at kanilang ina na si Adelfa Dy makaraang magtamo ng mga sugat at sunog sa ilang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyong tinanggap ni Central Police District-Baler Police Station chief, Supt. Raul Petrasanta, dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa tapat ng SM Annex sa southbound lane ng North EDSA.
Lumilitaw na sakay ang mga biktima ng kanilang Nissan Patrol na may plakang XJY-625 na minamaneho ni Patrick patungong Cubao nang biglang magkaroon ng malakas na pagsabog sa compartment ng nasabing sasakyan.
Agad na isinugod ang mga biktima sa ospital habang inaalam naman ng mga awtoridad ang uri ng bomba na inilagay sa sasakyan.
Ayon naman kay CPD-DIID chief, Supt. James Brillantes, naniniwala sila na may kaugnayan ang pagpapasabog sa negosyo.
Aniya, pareho ang estilo ng ginawang pagpapasabog sa Mitsubishi Pajero ng negosyanteng si Peter Dy, ama ng mga biktimang sina Patrick at Pamela noong nakaraang taon sa Canumay, Valenzuela. Si Dy ang may-ari ng Mobile Oil. (Doris Franche)