Hostage: Mag-nobyo sugatan sa granada

Kapwa kritikal ang isang magkasintahan makaraang sumabog ang granada na kanilang pinag-aagawan nang i-hostage ng nobyo ang nobya nito makaraang tumanggi umanong makipagbalikan ang huli sa una, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Far Eastern University Hospital sanhi ng mga tama ng shrapnel sa katawan at saksak sa kaliwang dibdib si Mary Ann Caminade, pharmacist, ng No. 7 Lot 14, Phase 2 Cattleya St., Natividad Subdivision, ng nasabing lungsod.

Kinilala naman ang suspect na si Jose Ting, nobyo ni Caminade, 26, ng 44 Tandang Sora Avenue, Sangandaan, Quezon City na nagkaroon din ng pinsala sa katawan sanhi ng shrapnel mula sa sumabog na granada.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:45 ng hapon nang simulang i-hostage ng suspect ang kanyang nobya sa loob ng bahay ng huli.

Ayon sa kasambahay ng biktima, nagtungo ang suspect sa bahay ng nobya upang kausapin at hilingin na muli silang magbalikan na mariin namang tinanggihan ng dalaga hanggang sa magkaroon ang mga ito ng mainitang komprontasyon at nauwi sa sigawan.

Dahil dito, napilitang lumapit at umawat ang isa sa mga kasambahay ni Caminade ngunit bago pa ito nakalapit ay biglang naglabas ng granada ang suspect at saka kinaladkad si Caminade sa ikalawang palapag ng bahay at nagkulong sa loob ng comfort room.

Mabilis namang tumawag ng saklolo ang mga kamag-anak ng biktima sa pulisya subalit sa gitna ng pakikipag-negosasyon ay nagmatigas ang suspect na hindi pakakawalan ang biktima kung hindi ito makikipagbalikan.

Matapos ang mahigit na dalawang oras na negosasyon ay pumayag kunwari ang biktima na makipagbalikan sa suspect, dahilan upang lumuwag ang hawak sa kanya ng suspect.

Dahil dito, nakakuha ng pagkakataon ang dalaga ng makipag-agawan sa granada sa suspect at dito aksidenteng nahugot ang safety pin ng granada hanggang sa mabitiwan at gumulong ng ilang metro bago tuluyang sumabog.

Ginawa pa umanong pananggalang ng suspect ang katawan ng kasintahan sa sumabog na granada. Hindi pa nasiyahan nang makitang buhay ito ay binunot pa ang dalang icepick at saka sinaksak si Caminade sa kaliwang dibdib.

Sa puntong ito, mabilis na pumasok sa loob ang mga nagrespondeng pulis at agad na dinamba ang suspect.

Mabilis na naisugod sa pagamutan ang dalawa, habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments