^

Metro

2 pang kalaro sa mahjong sugatan: Ex-congressman niratrat, patay

-
Nasawi ang dating congressman ng Masbate, habang nasa kritikal na kalagayan naman ang dalawa nitong kaibigan matapos na ratratin ang mga ito ng tatlong di-kilalang kalalakihan habang naglalaro ng mahjong, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Namatay habang ginagamot sa Cassul General Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan si Faustino Siatson, dating congressman, residente ng Road 11, GSIS Hills, Talipapa, Brgy. 164 ng nasabing lungsod.

Kapwa naman inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng nabanggit din na pagamutan sina Alex Legaspi, 56, driver at Emma Alonzo, 55, pawang naninirahan sa nabanggit na lungsod sanhi rin ng mga tama ng bala ng baril sa katawan at ulo.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Victor Lalata, may hawak ng kaso, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente sa labas ng bahay ng nasawi.

Nabatid pa na bago naganap ang insidente, nakitang naglalaro ng majhong ang tatlong biktima kasama ng isa pang kapitbahay ng mga ito nang bigla na lamang lumapit ang tatlong armadong di-kilalang lalaki.

Magkakasabay na bumunot ng baril ang mga suspect at agad na pinaulanan ng bala ang mga nabiglang biktima na agad na duguang humandusay habang ang isa pang kalaro ng mga ito na hindi na nakuha ang pangalan ay nagawa nang mabilis na nakatakbo.

Nang masiguro ng mga suspect na wala nang pagkakataon na mabubuhay ang dating congressman ay mabilis na nagsitakas ang mga una.

Agad namang isinugod ng mga nagmalasakit na kapitbahay sa nabanggit na pagamutan ang mga biktima ngunit hindi na nagawa pang maisalba ng mga manggagamot si Siatson.

Napag-alaman pa na si Siatson ay nagsilbi bilang congressman ng 3rd District ng Masbate sa loob ng tatlong termino simula noong 1995 hanggang 2004.

Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na posibleng mga ‘hired killers’ ang mga suspect kung saan si Siatson ang pangunahing puntirya ng mga ito at nadamay lamang ang ibang biktima.

Gayunman, isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya upang matukoy ang motibo sa naganap na krimen habang hinihinala na posibleng may kinalaman ang pulitika sa pamamaslang kay Siatson. (Ulat ni Rose Tamayo)

ALEX LEGASPI

CALOOCAN CITY

CASSUL GENERAL HOSPITAL

EMMA ALONZO

FAUSTINO SIATSON

MASBATE

ROSE TAMAYO

SIATSON

VICTOR LALATA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with