Ex-pulis hindi pinakanta, namaril

Nag-ala-Rambo ang isang dating miyembro ng Manila’s Finest nang walang habas na mamaril ito sa isang videoke bar nang hindi na siya painumin at pakantahin, kamakalawa ng gabi sa Ermita, Manila.

Pinaghahanap na ngayon ng dating mga kasamahan sa WPD ang suspect na si SPO4 Gil Balera, 60, ng J. Bocobo St., Malate, Manila, na nahaharap ngayon sa kasong frustrated homicide.

Nasa kritikal na kondisyon naman sa Manila Doctor’s Hospital dahil sa isang tama ng bala ang biktimang si Vilma Danate, kahera ng Geraldine’s Eatery sa may panulukan ng Sta. Monica at Adriatico Sts., Ermita, Manila.

Sa ulat ng WPD-Homicide Section, dakong alas-11:40 ng gabi nang dumating si Balera sa naturang videoke bar na lango na sa alak. Nagpumilit itong uminom at kumanta ngunit tinanggihan na dahil sa wala na sa sariling katinuan dahil nga sa kalasingan.

Dahil sa pagkapahiya kahit na nagpakilala siyang pulis, bumalik naman sa kanyang owner-type jeep ang suspect at nagpaputok ng kanyang baril sa videoke bar bago mabilis na tumakas. Minalas namang tinamaan si Danate na kumakain ng mga oras na iyon. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments