Kelot binoga dahil sa bebot

Hinihinalang agawan sa isang babae ang dahilan ng pagkamatay ng isang 23-anyos na lalaki na binaril ng isang grupo ng mga suspect, kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Larry Romio, binata at residente ng #88 Area-B Gate 58, Parola Compound, Binondo.

Pinaghahanap naman ngayon ang mga nakatakas na suspect na nakilala sa mga alyas na Roderick "Big-time", 38, may taas na 5’5’’; Melvin, 20, nasa 5’7’’; at isang Dennis, 25, nasa 5’7’’ at mahaba ang buhok.

Sa ulat ng WPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng gabi sa isang makitid na eskinita sa may Area H Gate 6 Parola Compound, Binondo.

Nabatid na kausap ng biktima ang isang babae na nakilala sa pangalang Rowena Ranoco nang lapitan ng grupo ng mga suspect at walang sabi-sabing pinaputukan ito ng dala nilang mga baril.

Nang matiyak na patay na ang biktima, agad na nagsitakas ang mga suspect bitbit ang mga ginamit na armas. Narekober naman ng mga imbestigador sa lugar ng krimen ang limang basyo ng bala ng kalibre 45 at isang slug ng bala na hinihinalang buhat sa isang sumpak.

Tinitingnan ng pulisya ang anggulong selos sa babae na motibo habang hindi rin isinasaisantabi na posibleng isang matagal nang alitan ang ugat ng pamamaslang. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments