Sa naantalang ulat ng PCG, dakong alas-3 nitong Sabado ng hapon nang makatanggap ng ulat ukol sa iniwang malalaking kahon sa loob ng M/V Asuncion na pag-aari ng San Nicholas Shipping Lines sa may Puting Bato, North Harbor.
Nadiskubre ng mga kagawad ng Task Force Sea Marshall na naglalaman ang naturang kahon ng may 200 kilo ng ammonium nitrate.
Karaniwan umano na ginagamit bilang abono sa mga pananim ang naturang kemikal ngunit ginagamit din sa paggawa ng dinamita ng mga mangingisda at sangkap din sa pagbuo ng malakas na bomba.
Walang nakuhang pagkakakilanlan ang PCG kung saan nagmula ang naturang mga kahon at kung kanino ito ibabagsak. Tanging nakalagay lamang umano sa mga kahon ay ang salitang J-B at nakatakdang dalhin sa Palawan.
Posible umano na gagamitin ang naturang mga kemikal sa paggawa ng dinamita ng mga poacher sa isla ng Palawan. (Ulat ni Danilo Garcia)