Ang raid ay isinagawa sa bisa ng ipinalabas na search warrant ni QC-RTC Judge Fatima Asdala, dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi sa dalawang palapag na bahay sa 313 Romarosa Townhouse, Luzon Avenue, Brgy. Balara, Quezon City.
Nasamsam dito ang may 38 sako at 27 kahon na naglalaman ng ephedrine na umabot sa 1,625 kilos at nagkakahalaga ng P1.6 bilyon.
Ang ephedrine ang pangunahing sangkap sa paggawa ng shabu.
Ayon sa ilang residente, kinatatakutan din ang nasabing bahay dahil na rin sa sinabi ng dalawang caretaker na may nagmumulto umano sa 2nd floor nito kayat hindi sila nagpupunta sa itaas.
Nakilala lamang sa alyas na Bungi ang caretaker sa bahay.
Sinabi pa ng mga residente na nagtataka sila kung bakit wala man lamang kagamitan sa loob ng bahay maliban sa mesa, silya at maliit na telebisyon. Hindi rin nakikitang umaalis ng bahay ang dalawang nagbabantay dito.
Sinasabing nagkaroon ng lead ang pulisya sa pinag-iimbakan ng nasabing ephedrine matapos na ikanta ng Tsinoy na si Hung Ching Wei na nahuli noong nakalipas na Linggo.
Lumilitaw na limang buwan pa lamang na inuupahan ang bahay.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad laban sa umanoy may-ari ng nasabing townhouse na kinilala sa pangalang Ben Chua. (Ulat nina Doris Franche at Joy Cantos)