Nakilala ang mga nadakip na sina Friday Nwoke, Ikenna Agbaegbu, Ugum Igbunam at Henry Obina Nwani. Nahaharap sila ngayon sa kasong estafa at illegal possession of counterfeit money.
Sa ulat ng WPD, nag-ugat ang pagkadakip sa mga suspect matapos na humingi ng tulong ang biktimang si Josefina Espino, 43, may-asawa, may-ari ng CRU Hardware sa may Puyat St., Quiapo.
Ayon kay Espino, isa sa mga suspect ang umorder sa kanya ng isang container van ng welding rod na nagkakahalaga ng P8.9 milyon. Matapos ang delivery, isang tawag sa cellphone buhat sa mga suspect ang natanggap ni Espino kung saan nagpakilala ang kausap nito na Finance Minister ng Nigeria na hiningi ang account number ng kanyang bangko upang doon ilagak ang kabayaran sa kanilang inorder.
Isa pang tawag sa cellphone ang natanggap ni Espino na nagpakilalang isang diplomat ng Nigeria kung saan sinabi nito na meron siyang package buhat sa Finance Minister nila ngunit kailangan muna niyang magbayad ng UF$1,000 para sa airway bill.
Dito na nagduda si Espino kayat humingi na ng tulong sa pulisya. Nagsagawa naman ng entrapment ang mga tauhan ng WPD sa loob ng Manila Hotel nitong nakaraang Biyernes na nagresulta sa pagkaaresto sa apat na suspect.
Nakumpiska sa mga ito ang isang kahon na naglalaman ng mga bungkos ng papel na ginupit na kasing-laki ng pera, mga kemikal, instruction manual at US$100 na pinaniniwalaang peke. (Ulat ni Danilo Garcia)