Nursing stude, ni-rape-slay

Nagsisimula nang mabulok ang hubo’t hubad na bangkay ng isang nursing student matapos na gahasain ng umano’y kanyang manliligaw kamakalawa sa Quezon City.

Kinilala ni CPD-CID chief, Supt. Popoy Lipana ang biktima na si Jackilyn Margarette Crespo, 26, estudyante ng Our Lady of Fatima-Lagro at residente #6 Bayabas St. Palmera Homes, Brgy. Sta. Monica, ng nasabing lungsod.

Agad namang inaresto at isinasailalim sa interogasyon ng pulisya ang suspect na si Kim Claustro Osano, 28, ng Blk.2 Lot. 17-A Bayabas St. ng nabanggit ding subdivision matapos na ituro ng kaibigan ng biktima na responsable sa krimen. Nagtamo umano ito ng sugat sa mukha na pinaniniwalaang kinalmot.

Batay sa imbestigasyon ni PO2 Mariano Turiano, dakong alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ng nagngangalang Neng Vollada ang bangkay ng biktima. Si Vollada ay katulong ng kaibigan ng biktima na si Haydee Benosa.

Nakitang nakadapa ang biktima na nakatali ang mga paa at kamay nito habang walang saplot pang-ibaba.

Nakapulupot din ang isang electrical cord sa leeg nito at duguan ang ilong na pinaniniwalaang pinatay sa sakal ng suspect.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, lumilitaw na pinapuntahan ni Benosa ang kaibigan kay Vollada matapos na hindi niya ito nakausap ng isang araw. Subalit laking gulat ni Vollada nang makita itong patay na.

Napag-alaman na nag-iisa lamang ang biktima sa kanyang bahay dahil nasa ibang bansa ang mga kaanak nito.

Sinisiyasat pa rin ng pulisya kung ano ang motibo ng suspect sa pamamaslang habang nakapiit ito sa detention cell ng CPD-CID. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments