Sa press conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao na ang naturang hakbang ay upang paigtingin ng kapulisan ang kampanya laban sa anumang uri ng ilegal na sugal, partikular ang jueteng.
Binalaan pa ni Lomibao ang kapulisan na awtomatikong masisibak sa puwesto ang sinumang Chief of Police kung may mahuhuling jueteng operator/bettor sa kanilang area of responsibility.
Gayunman, sinabi ni Lomibao na sasailalim naman ito sa masusing imbestigasyon bago sumailalim sa summary dismissal.
Inatasan din kahapon ni Lomibao si Task Force Anti-Illegal Gambling Police Chief Supt. Florante Baguio ang lahat ng ground commander na gumawa ng isang certification na pirmado ng chief of police, alkalde, mga pari at iba pang dominant religious leader sa nasabing lugar na magpapatunay na wala nang operasyon ng jueteng sa kanilang lugar.
Iginiit pa ng opisyal na magandang hakbang umano ito upang ma-impress at mapatunayan sa publiko na jueteng-free ang kanilang lugar.
Kasabay nito, sinabi naman ng opisyal na handa siya sa anumang imbestigasyon na isasagawa maging ng Senado o Kongreso matapos isangkot ang kanyang pangalan ng lumutang na whistle-blower na tumatanggap umano ito ng jueteng money.
Sinabi pa ni Lomibao na handa siyang sagutin ang anumang mga katanungan subalit sa isang tamang forum.
Ipinagmalaki pa ng opisyal na kanila nang nalansag ang organized operation ng mga gambling lord at ang guerilla type operation na lamang umano ang umiiral ngayon. (Ulat ni Angie dela Cruz)