Kaibigan dinedo dahil sa unggoy

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang construction worker ng kanyang kasamahan sa trabaho makaraang ipagtanggol ng una ang kanyang alagang unggoy sa ginagawang pananakit ng huli, kahapon ng madaling- araw sa Quezon City.

Sa ulat ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU), patay na nang idating sa FEU Hospital ang biktimang nakilalang si Eduardo Patugalan, 28, ng Sitio Talanay-B, Brgy. Batasan Hills ng nabanggit ding lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Joel Zamora, 20, residente ng Bautista St., Maligaya Park Subdivision, Fairview, Quezon City.

Lumilitaw sa paunang imbestigasyon ni PO2 Ronnie Pascua, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa ginagawang tahanan ng mga ito sa Blk 4, Lot 9, Ascension Road, Brgy. Greater Lagro, Novaliches, Quezon City.

Nabatid na nag-iinuman umano ang biktima at ang suspect nang biglang mapagtripang saktan at saksakin ng huli ang alagang unggoy ng una.

Tinangka ng biktima na awatin si Zamora sa pananakit sa kanyang alaga subalit ayaw nitong tigilan.

Imbes nagalit pa ang suspect at ang pinagbalingang saksakin ay ang kanyang kaibigang si Patugalan.

Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang ginawang krimen. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments