Mekaniko nag-amok: 3 patay, 1 pa sugatan

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang nag-amok na mekaniko ang dalawang lalaki, habang isa pa ang nasugatan nito, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Napatay din naman ng mga galit na galit na taumbayan ang suspect matapos ang ginawa nitong pananaksak.

Nakilala ang nasawing suspect na si Raul Camalagan, 21, ng Dimaano Compound, Brgy. Balon-Bato, Quezon City.

Napatay nito ang mga biktimang sina Efren Baraquito, 48; at Niño Tongco, 38.

Sugatan din sa insidente si Guillermo Aquino, 39.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5 ng umaga nang maganap ang insidente sa ilalim ng Balon- Bato fly-over nang biglang dumating si Camalagan sa lugar ng mga biktima na noo’y nagto-tong-its.

Walang sabi-sabing bigla na lamang inundayan ng saksak ni Camalagan ang mga biktima at saka patuloy pa rin ang ginawang pag-aamok.

Dahil dito, napilitan ang mga nakasaksing taumbayan na pagtulung-tulungang bugbugin ang suspect hanggang sa ito ay mapatay.

Ayon pa sa mga saksi madalas umano nilang makitang tila wala sa sarili ang suspect at bigla na lamang nagagalit pero agad din namang naaawat. Hindi nila akalain na may dala itong patalim kahapon at nanghalihaw ng saksak. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments