10 sako ng bomb chemical nasabat sa Pier

Nasabat ng special anti-terrorism unit ng Philippine Coast Guard (PCG) ang may 10 sako ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng bomba sa warehouse ng Aboitiz Shipping Lines sa North Harbor, Manila noong nakalipas na Sabado.

Sa imbestigasyon ng PCG, nakita ang kontrabando sa Pier 8, subalit patuloy pa ring inaalam kung sino ang consignee ng mga exsplosive substance.

Nadiskubre ang nasabing mga pampasabog sa warehouse ng Aboitiz Transport Shipping Corporation matapos na magsagawa ng cargo inspection ang grupo ni Lt. Isagani Mendoza, ng Task Force Sea Marshal ng PCG-National Capital Region-Central Luzon.

Ang kontrabando ay naamoy ng mga K-9 dog.

Kaagad na isinailalim sa vapor tracing machine kung saan natuklasan na positibo ito sa TNT component. Ito ay galing sa Davao City at may ilang araw na ring nakaimbak sa warehouse ng Aboitiz.

Nabatid sa PCG na ang 10 sako ay naglalaman ng kemikal na "FOS PH-Norel nature nutrition" na isang uri ng TNT component na ginagamit na sangkap sa pampasabog.

Ang nasamsam na mga kemikal ay maaari rin umanong makapagpasabog ng isang mataas na gusali.

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na gagamitin ang naturang kontrabando sa paggawa ng malalakas na uri ng bomba tulad ng C4 upang maghasik ng terorismo sa bansa.

Samantala, mahigpit na rin ang isinasagawang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga vital installation sa Maynila tulad ng Pandacan oil depot, Malacañang, US Embassy at mga malls matapos na madiskubre ang nasabing mga kemikal. (Ulat nina Gemma Amargo-Garcia at Joy Cantos)

Show comments