Batay sa kautusan ng Supreme Court 3rd Division, sinabi nito na guilty si Mayor Yaranon sa kasong direct contempt matapos mapatunayang nagsinungaling ito sa Mataas na Hukuman nang sabihin nito sa liham na kanya nang sinunod ang kautusan ng korte na nag-aatas na buksan ang parking spaces na pinatatakbo ng Jadewell Parking System Corporation.
Sinabi niya sa liham na may petsang Pebrero 21, 2005 na bukas na bukas na sa publiko ang nasabing parking space sa Burnham Park karugtong ng Abad Santos Drive, Lake Drive at Harrison Road na inirereklamo ng Jadewell.
Subalit napatunayang walang katotohanan ang nilalaman ng liham ni Yarano kayat nitong nakaraang Abril 4, 2005 ay inatasan ng Korte Suprema si Baguio City Regional Trial Court (RTC) Judge Iluminada Cabato-Cortes na inspeksiyunin kung natupad na ni Yaranon ang kautusan ng korte.
Subalit muling natuklasang hindi pa rin sumusunod sa kautusan ang alkalde kayat nagpasya ang Mataas na Hukuman na kastiguhin ito.
Nabatid na inireklamo ng Jadewell Parking Systems Corp. na nag-ooperate ng pay parking services sa Baguio City si Yaranon dahil sa pagtanggi nito na buksan ang nasabing paradahan.
Bilang karagdagang parusa, pinagmumulta pa si Yaranon ng halagang P10,000.
Bukod sa alkalde, posibleng kastiguhin din ng SC ang abogado ni Yaranon kung mapapatunayang may pagpapabaya ito sa paghawak ng kliyente. (Ulat ni Grace Amargo-dela Cruz)