Sinabi ni Atienza na nararapat na huwag pagtakpan ng MMDA ang kanilang tauhan upang mabigyan ng katarungan ang nasawing biktima na si Danilo Peralta at ang nasugatang si Mario Quinones.
Matatandaan na nagkasagupa ang mga tauhan ng MMDA na pinamumunuan umano ng isang lalaking nakasuot ng barong at mga pedicab driver sa may Quirino Avenue noong nakaraang Biyernes.
Nagkaroon ng batuhan kung saan isang enforcer ang nasugatan.
Gumanti naman ng putok ng baril ang tauhan ng MMDA na nakabarong kung saan tinamaan sa ulo si Peralta at tinamaan din si Quinones. Agad na nagsitakas ang clearing team ng MMDA matapos ang pamamaril.
Ipinag-utos naman ni Atienza sa WPD na agad na kilalanin ang naturang suspect at arestuhin matapos na dumulog sa Manila City Hall ang mga magulang ng dalawang biktima.
Idinagdag pa nito na naka-ban ngayon ang lahat ng MMDA enforcer sa Maynila hanggat hindi nareresolba ang kaso. (Ulat ni Danilo Garcia)