Agawan sa basura: Basurera utas

Isang 44-anyos na basurera ang sinaksak at napatay ng mga pinaniniwalaang kapwa nito namumulot ng basura kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Orlanda Arturo, ng #200 Bldg., 10 Permanent Housing, Tondo matapos na magtamo ng malalim na saksak sa katawan.

Inaalam naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang kalalakihan na umano’y huling kasama ng biktima na nangunguha din ng basura na agad na tumakas .

Ayon sa report ni Det. Edmund Cabal, ng WPD-Homicide Division dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa tambakan ng basura sa panulukan ng Road 10 at Capulong St. ng nabanggit na lugar.

Bago naganap ang insidente, nakita ng ilang saksi na namumulot pa ng basura ang biktima kasama ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki.

Narinig ng ilang saksi na pinagsasabihan ng biktima ang dalawang lalaki na huwag mamulot ng basura dahil hindi nila ito teritoryo.

Nagulat na lamang sila nang makitang naliligo sa kanyang sariling dugo ang biktima. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)

Show comments