Patuloy na ginagamot ang mga biktimang sina Danilo Peralta, 35 at Mario Quinones, 33, residente sa nabanggit na lugar.
Nabatid na nagtamo ng tama sa mukha si Peralta na tumagos sa likod ng ulo, habang tinamaan naman sa dibdib si Quinones.
Samantala, isinugod din sa San Juan de Dios Hospital ang isang tauhan ng MMDA na nakilalang si Guillermo Tadiang makaraang matalsikan ng bubog buhat sa nawasak na salamin ng isang kotse na binato naman ng mga pedicab boy.
Ayon sa ulat, naganap ang karahasan dakong alas-10 ng umaga sa may kanto ng Osmeña at Quirino Avenue sa Brgy. 736 Zone 8 Paco, Maynila kung saan nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng MMDA upang itaboy ang mga pedicab driver na iligal na ginagawang terminal ang gilid ng kalsada.
Bago ito, nauna nang nagkasalpukan ang mga tauhan ng MMDA at mga pedicab driver noong nakaraang Martes kaya matindi na ang tensyon sa pagitan ng mga ito.
Pinaulanan ng bato ng mga pedicab boy ang mga tauhan ng MMDA hanggang sa marinig ang sunud-sunod na putok ng baril galing naman sa grupo ng huli kung saan tinamaan sina Peralta at Quinones.
Napag-alaman pang hindi kasama sa gulo si Peralta na noon ay nakikiusyoso lamang ngunit minalas na tinamaan ng ligaw na bala.
Dahil dito, nanawagan naman ang WPD kay MMDA Chairman Bayani Fernando na isuko ang dalawa niyang tauhan para papanagutin sa ginawang pamamaril sa mga biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)