Nakatakdang sampahan ng kaso ang mga suspect na sina Rolando Balisbis, 35; Victor Tanegra, 34; Jose Santos, 24; Rico Ramirez, 36; Joserizalde Carte, 24; Arthur Cagayunan, 33; Jun Elicame, 27; Ronaldo Santos, 33; Nelson Brieta, 31; at Exodus Geluca, 26, pawang mga residente ng Welfareville Subdivision, Mandaluyong City.
Ayon kay P/Insp. Marcelo L. Chavez Jr., dakong alas-9 kamakalawa ng gabi nang masabat ang mga pirated VCD at DVD mula sa mga suspect habang lulan ng tatlong taxi sa 13th at Gilmore Sts., Cubao, Quezon City.
Ang mga nasabing pirated VCDs at DVDs ay nakasilid sa malalaking travelling bag.
Una rito, nagsasagawa ng "Oplan Sita" sa nasabing lugar ang mobile car 163 at 173 ng Central Police District sa pangunguna ni SPO4 Meliton Maala nang parahin ang taxi na kinalululanan ng mga suspect. Nang siyasatin ang loob ng mga taxi, nakita ang mga pirated DVDs at VCDs kaya agad na dinala sa presinto ang mga suspect.
Bunga nito, inirekomenda ni OMB Chairman Edu Manzano na sampahan ng kasong qualified theft at illegal possession of pirated optical disc kasabay ng pagkakasibak sa mga ito.
Iginiit naman ni Rico Ramirez, umanoy team leader, na kalakaran na umano sa OMB na maaaring mag-uwi ng mga pirated VCDs at DVDs sakaling mayroon silang huli.
Subalit ayon naman kay Manzano, hindi niya ito pinapayagan dahil matindi ang kanyang babala na ipinagbabawal ang pag-uuwi ng mga ito. (Ulat ni Doris Franche)