Muntilupa hiling hatiin sa 2 distrito

Pinagtibay kahapon ng Sangguniang Panglungsod ng Muntinlupa ang isang resolution para hilingin sa Kongreso na hatiin sa dalawang distrito ang nabanggit na lungsod dahil sa lalong paglobo ng populasyon nito. Sa naipasang resolusyon ng Muntinlupa City Council, base sa nakasaad sa Saligang Batas, bawat isang lungsod na may populasyon ng hindi bababa sa 250,000 ay dapat aniyang may isang kinatawan sa Kongreso. Kung saan noong taong 2000, umabot sa 379,310 ang populasyon sa lungsod batay sa huling census ng National Statistics Office (NSO) na inaasahang sa taong 2007, lalo pang tataas at hihigit sa 500,000 ang populasyon dito.

Hindi naman tumutol si Congressman Ruffy Biazon sa naturang panukala dahil higit aniyang madaragdagan ang pondo ng pamahalaang lungsod na magmumula sa national budget sakaling maging 2 ang distrito dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments