Sa apat na pahinang desisyon ni Judge Pedro Corrales, Branch 118, Pasay City Regional Trial Court (RTC), hinatulan ng 8-taon na pagkabilanggo ang akusadong si Victorio Mallari, 24, ng Laurel St., Zone 11, Brgy. 96, Pasay City.
Bukod sa pagkakulong, inatasan din ng korte si Mallari na ibalik niya ang halagang P4,000 at $60,00 na kinulimbat niya mula sa biktimang si Georges Brion, 50, deputy secretary general of the Belgian Parliament, na delegado sa IPU.
Magugunitang naganap ang panghoholdap sa dayuhan noong nakalipas ng Martes ng umaga.
Walang pang 24 oras nadakip na si Mallari sa isinagawang follow-up operation, samantalang pinaghahanap pa ang kasamahan nito na nakilala lamang sa alyas na "Jess".
Kahapon ng alas-9 ng umaga isinagawa ang arraignment ng kaso kay Mallari at kahapon din ng alas-3 ng hapon ibinaba ang hatol laban dito.
Naging marathon trial ang kaso para makabawi sa naging kahihiyan ng bansa sa international community at dahil na rin sa babalik na ang dayuhan sa kanyang bansa sa pagtatapos ng IPU convention. (Ulat ni Lordeth Bonilla)