Nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si George Brion, Deputy Secretary General ng Belgian Senate na naka-billet sa Westin Philippine Plaza Hotel. Nagtamo ito ng saksak sa palad at noo, mga bukol sa ulo at pasa sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Natangay dito ang P4,000 cash, $60.00 U.S. dollars, ID at mga credit card.
Samantala, mabilis namang tumakas ang dalawang suspect matapos ang isinagawang panghoholdap sa dayuhan.
Sa ulat na natanggap ni Pasay City Chief of Police, Senior Supt. Rosendo Calderon Franco, naganap ang insidente dakong alas-5:45 ng umaga sa panulukan ng Galvez Avenue at Figueroa St. sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na lumabas ng hotel ang biktima at naisipang sumakay ng tricycle at nagpapahatid sa pinakamalapit na simbahan para magsimba.
Habang sakay ang dayuhan, itinigil ng driver ng tricycle ang sasakyan sa madilim na bahagi ng naturang lugar kung saan biglang lumapit ang isang lalaki na armado ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Pinagtulungan pa ng dalawang suspect na gulpihin ang biktima at hindi pa nasiyahan at sinaksak pa ito bago kinuha ang lahat ng kanyang pera at mga gamit.
Isang tricycle driver na nakilalang si Alex Sallado ang napadaan sa lugar at namataan ang duguang biktima at nagmagandang loob itong isugod sa ospital.
Si Brion ay isa sa delegado ng kasalukuyang ginaganap na IPU sa Philippine International Convention Center.
Ayon pa sa ulat, hindi nakipagkoordinasyon si Brion sa IPU desk na nakatalaga sa hotel kung kaya hindi ito nabigyan ng security ng lumabas sa hotel.
Samantala, inabsuwelto ni Sen. Rodolfo Biazon ang mga security escorts kaugnay sa pagkakaholdap sa naturang Belgian.
Binanggit nito na wala siyang nakikitang kapalpakan sa panig ng PNP personnel lalo pa ngat hindi nagpaalam sa IPU desk ang dayuhan at walang nakakaalam na lumabas ito ng hotel. (Ulat nina Lordeth Bonilla, Joy Cantos at Rudy Andal)