Bugaw ng bata, arestado

Isang lalaki ang dinakip ng mga awtoridad kasabay ng pagkakaligtas sa dalawang batang lalaki na dinukot nito na hinihinalang tangkang ibugaw sa mga pedopilya kamakalawa ng gabi sa Paco, Maynila.

Nakaditine ngayon sa Western Police District-General Assignment Section ang suspect na si Joel Garcia, 31- anyos, cook sa King Paris Restaurant na matatagpuan sa Adriatico St., Malate ng lungsod ng Maynila.

Base sa imbestigasyon, ang suspect ay nadakip sa loob ng isang bahay sa Matatag na Lupa St., Paco kasama ang dalawang bata na itinago sa mga pangalang Boy, 9-anyos at Totoy, 11 taong gulang; pawang residente ng Muñoz St., Malate.

Ayon sa pulisya, kamakalawa pa ng umaga nawala ang mga bata at ng hanapin ng kanilang ama ay may nagturo na itinago ito ng suspect sa nabanggit na lugar.

Agad na humingi ng tulong ang mga magulang ng mga bata kung saan nadakip si Garcia na nagtangka pang tumakas bandang alas-11:30 ng gabi.

Sa salaysay ng mga biktima, sinabi ng mga ito na puwersahan silang binitbit ng suspect noong Lunes at inilibot umano sila sa Luneta Park na hinihinalang inihahanap ng parukyano.

Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa nasabing suspect. (Danilo Garcia)

Show comments