Base sa nakalap na ulat, ang biglaang pagre-resign ng 18 residence doctor sa nabanggit na pagamutan ay bunsod sa hindi umano nila makayanang magaspang na pag-uugali ni City Administrator Dino Nable.
Ayon sa ulat, nagpatawag ng meeting si Nable noong nakaraang linggo sa mga residence doctor sa Ospital ng Maynila subalit nag-walk out ang mga ito matapos na umanoy makarinig ng mga pagmumura at pagbibitiw ng masasakit na salita buhat sa city administrator.
"Masyadong naging arogante itong city official na ito, akalain mo ba namang sabihin na I was authorized by the mayor to say all nasty things about you, pagkatapos ay nagmumura na kayat nag-walk-out ang mga doktor," ayon pa sa source.
Mariin namang pinabulaanan ng staff ni Nable ang naturang akusasyon at sa halip ay sinabing hindi maaaring murahin ng kanyang amo ang mga doktor.
Iginiit naman ni Manila Mayor Lito Atienza Jr. na tanging ang dahilan ng sabay-sabay na pagbibitiw ng mga doktor ay dahil sa ayaw na umanong manungkulan ng mga ito bilang public servant at nagkaroon lamang ng ilang hindi pagkakaunawaan. Gayunman, idinagdag nito na hindi dapat mangamba ang publiko dahil sa mayroon ng kapalit ang mga ito simula sa Abril 26. (Ulat ni Gemma Amargo)