P10.9-M tinangkang ipuslit sa NAIA

Pinigil ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-ASG) ang umano’y courier ng isang bigtime money changer na nagtangkang magpuslit ng P10.9 milyon sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 patungong Hong Kong, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Chief Supt. Andres Caro II, director ng PNP-ASG ang courier/ passenger na si Joselito Canete Bermoy, tubong Bohol.

Sinabi ni Caro na ipinasok ni Bermoy ang kanyang dalang kulay itim na maleta sa may west initial X-ray machine kaya nila nalaman ang dala nitong malaking halaga.

Noong una ay itinanggi pa ni Bermoy na may dala siyang malaking halaga, kasabay nang pagsasabing mga daing na isda ang nasa loob ng bag na pasalubong niya sa kanyang mga kaibigan.

Hanggang sa bukuhin na ito ng mga operatiba at tuluyan nang hindi naitanggi ang dalang mga pera.

Inamin nito na gagamitin ang pera para bumili ng mga foreign currencies sa mga OFW’s sa Hong Kong na gusto nang umuwi sa bansa.

"Mas malaki ang palit ng mga money changers kaysa sa mga bangko kaya naeenganyo ang mga OFWs na sa amin sila magpalit", dagdag pa ni Bermoy.

Tumanggi ito na kilalanin ang may-ari ng P10.9 milyon.

Samantala, ang mga perang nakuha kay Bermoy ay isinalin ng PNP sa pag-iingat ng Bureau of Customs sa pamumuno ni NAIA Customs Collection Ricardo "Boysie" Belmonte.

Si Bermoy ay nahaharap sa kasong paglabag sa regulasyon at alituntunin ng Bangko Sentral ng Pilipinas. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments