2 paslit nasagip sa tangkang pagsu-suicide ng ama

Nailigtas sa bingit ng kamatayan ang dalawang paslit nang maawat ang tangkang pagtalon ng kanilang ama, kasama sila sa tore ng isang simbahan dahil sa desperasyon matapos na iwan ng kanyang asawa, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Hawak na ngayon ng pulisya ang amang si Valerio Borleo, 28, ng Rivera St., Tondo, habang nasa maayos namang kalagayan ang kanyang mga anak na sina Norcel Jun, 2; at Nicky, 4.

Sa ulat ng WPD, dakong alas-5:30 ng hapon nang akyatin ni Borleo ang tore ng San Roque Church na nakatali sa kanyang baywang ang dalawa niyang anak.

Agad naman na napansin ng guwardiyang si Ricky Derber ang mga ito kaya’t agad niyang ipinagbigay-alam sa pari ng simbahan. Dito na nagkagulo nang mapansin ng mga nagsisimba ang mag-aama na nasa itaas ng tore na akmang magpapakamatay.

Agad na kinausap ng pari si Borleo at pinakiusapang bumaba na ngunit nagmatigas ito.

Nang malansi, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kagawad ng pulisya na magdala ng hagdan sa tore at agad na dinakma ito.

Nang isailalim sa imbestigasyon, nabatid na nasa impluwensiya ng alak ang naturang ama at itinali pa sa baywang nito ang mga anak upang hindi makaalpas sa kanya.

Sinabi nito na nagawa lamang niya ang tangkang pagpapakamatay kasama ang kanyang dalawang anak dahil sa sama ng loob matapos siyang iwan ng kanyang misis may limang araw na ang nakakalipas. Iniwan umano sa kanya ang kanilang dalawang anak na hindi naman niya alam kung paano alagaan.

Nabatid na wala ring trabaho si Borleo at tanging ang asawa nito ang nagpapakain. Posibleng naburyong na rin ang misis nito kaya ito iniwanan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments