Sa biglaang press conference kahapon ng hapon, tinukoy ni Lomibao na pinamumunuan ni Hilarion del Rosario Santos Jr., alyas Ahmed Santos, lider ng Rajah Solaiman Revolutionary Movement ang grupo ng mga Abu Sayyaf bombers.
Kabilang pa sa mga mukha, larawan at cartographic sketch na iprinisinta ni Lomibao ay ang pagkakakilanlan kina Amilhamsa Ajijul alyas Alex Alvarez na suspect naman sa pambobomba sa Zamboanga City noong Oktubre 2002.
Kasama rin umano sa bandidong Abu Sayyaf na magsasagawa ng pambobomba ay si Abu Haisham na sinanay naman ng Jemaah Islamiyah sa Mt. Cararao; Abu Omar na isang Tausug; Abu Tarik na isang explosive expert ng ASG na sinanay din ng JI; Abu Zaid, isang Yakan member ng ASG na ka-grupo ni Tarik; at Abu Yasim na isang Indonesian at miyembro ng JI.
Ang nasabing samahan, paliwanag ni Lomibao ay binubuo ng mga Balik-Islam kung saan ilan sa mga ito ay ginagamit na front ang samahan sa gawaing terorismo.
Sinabi ni Lomibao na ang mga ito ay base sa intelligence report ng pulisya na magsasagawa ng pambobomba ngayong Semana Santa, partikular na sa Quiapo church at sa Baclaran.
Sila rin ang mga kinilala ni Gappal Bannah, alyas Boy Negro, matapos na ibulgar sa isang interrogation na suspect sa Valentines Day bombing.
Maliban dito sa planong pambobomba sa mga mall ay may balak din umanong magsagawa ng car bombing ang grupo.
Pinawi ni Lomibao ang pangamba ng publiko na hindi dapat matakot sa pagbabanta na ito ng ASG dahil kumikilos na ang PNP para mapigilan ito ngunit hiniling pa rin niya ang ibayong alerto at pagbabantay sa paligid. (Ulat ni Joy Cantos)