Malabon official itinumba ng 3 armado

Isang opisyal ng Malabon City Hall ang nasawi matapos na makipagbarilan sa tatlong hindi nakikilalang kalalakihan habang ang una ay papasok sa kanyang trabaho, kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Nasawi sanhi ng isang tama ng bala ng baril na tinamo sa batok ang biktimang si Osmundo Manapat, 50, hepe ng Solid Waste Management Office (SWMO) sa Malabon City Hall at residente ng Hernandez St. ng nasabing lungsod.

Base sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng hapon nang maganap ang insidente malapit sa Malabon dumpsite na matatagpuan sa kahabaan ng Gov. Pascual Avenue, Brgy. Catmon, Malabon City.

Sa salaysay sa pulisya ng saksing si Valentin Lucio, 48, kasalukuyan siyang nagtatrapik sa naturang lugar nang marinig niya ang sunud-sunod na putok ng baril at nang kanyang tingnan kung saan nagmumula ay nakita niya ang biktima hawak ang isang kalibre .38 baril at nakikipagpalitan ng putok sa dalawang armadong lalaki. Isa pang lalaki ang sumulpot sa likuran ng biktima at malapitan na pinaputukan sa batok si Manapat.

Matapos ang isinagawang krimen ay mabilis na nagsitakas ang tatlong suspect.

Isa sa tinitingnang motibo sa pagpaslang ay may kaugnayan sa naganap na demolisyon sa squatters area sa Letre, Brgy. Tonsuya, Malabon City ilang araw pa lamang ang nakakalipas kung saan si Manapat umano ang siyang nangalap ng demolition crew para gibain ang mga bahay sa lugar.

Isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya para matukoy kung sinu-sino ang mga suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments