Sa liham na ipinadala ni Robert de Guzman, pangulo ng San Beda Student Council, hiniling nito kay Atienza at WPD na magsagawa ng kaukulang aksyon upang mahanap ang biktimang si Rosendo Herrera Jr., junior management student sa naturang kolehiyo.
Binanggit nito na dinukot si Herrera noong Oktubre 28, 2004 ng mga hindi nakikilalang suspect habang namamasyal sa may Paco Park, Paco, Maynila. Mula noon ay hindi na ito nakauwi pa.
Nakatakda ring magsagawa ng prayer vigil ang mga estudyante ng San Beda sa Mendiola Bridge sa Marso 14 para sa kaligtasan ng mga kidnap victim sa Maynila.
Nangangamba na rin ang pamilya ng biktima lalo na ang ina nitong si Armi Alba na may masamang nangyari sa anak at dahil sa kawalang aksyon ng mga awtoridad.
Samantala, isa pang Fil-Chinese trader na nakilalang si Loling Liai Cantor, 50, ng Binondo, Maynila ang iniulat ding dinukot may 13 araw na ang nakakalipas.
Kagagaling lang umano ng Cebu ng biktima nang kidnapin ito. Sampung milyon pisong ransom ang paunang hinihingi ng mga suspect.
Pangalawang ulit na nitong kinidnap si Cantor at pinaniniwalaang ang mga dating kidnapper ang dumukot muli sa kanya ngayon. (Ulat ni Danilo Garcia)