Piyesta sa Tondo, nagkulay pulitika

Itinaon ba o sinadya?

Ito ay makaraang nagmistulang nagpakita ng simpatiya ang mga residente sa Tondo kay dating Pangulong Joseph Estrada nang magkabit ng mga kulay orange na bandaritas para sa kapistahan sa Tondo ngayon.

Kung dati-rati’y halu-halong kulay ng bandaritas ang ikinakabit ng mga residente ng Tondo para sa kapistahan ng Sto. Niño, nagkaisa silang kulay orange na bandaritas lamang ang kanilang ikabit bilang pakikiisa at pagsuporta sa dating Pangulo.

Kabilang sa mga kinabitan ng kulay orange na bandaritas ay ang buong Baseco compound, Parola Compound, Happy Land at maging ang kahabaan ng Road 10 at ang highway patungong Navotas hanggang sa Malabon City.

Ayon sa ilang residente, ang pagkakabit ng kulay orange na bandaritas ay pagpapakita umano ng kanilang pagmamahal at pagsuporta sa dating Pangulo na nakabalik na nga ng bansa kahapon.

Kilala ang Baseco at Parola compound na masugid na sumusuporta kay Estrada. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments