Driver tumanggi sa kikil dinedo

Nasawi ang isang jeepney driver matapos pagtulungang bugbugin at saksakin ng apat na hindi nakikilalang suspect, makaraang tumanggi ang una na magbigay ng pang-inom sa grupo ng huli, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Patay na nang idating sa San Lorenzo hospital sanhi ng mga pasa, bukol at mga saksak sa katawan ng biktimang si Benjamin Buenafe Jr., 43, ng Sterling Compound, Diamante St., ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa Deparo Road corner Susano Road, Brgy. 170, Caloocan.

Naglalakad papauwi galing sa pamamasada ang biktima nang makasalubong ang mga suspect na pawang mga lasing at kinikilan si Buenafe para pambili nila ng alak.

Tumangging magbigay si Buenafe kaya agad na pinagtulung-tulungan itong bugbugin ng mga suspect na nang humandusay sa daan at saka pinagsasaksak.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang biktima. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments