Naapektuhan ng calibration ang daloy ng trapiko sa East Avenue, QC nang dumagsa ang libu-libong unit ng taxi na pumarada sa nasabing lugar.
Ayon kay Leonora Naval, Pangulo ng Association of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMM) walang sistema ang LTFRB dahil isang oras naghihintay ang mga nais na magpa-calibrate ng metro.
Dahil dito nanawagan din ang ATOMM sa LTFRB na ibigay na lamang sa Land Transportation Office-Motor Vehicle Inspection Service (LTO-MVIS) ang trabaho ng pagseselyo ng metro ng kanilang sasakyan dahil ito ang bihasa sa paggawa nito.
Nabatid na nagsasagawa muna ng road test ang LTO-MVIS sa mga sasakyan na na-calibrate bago ito tuluyang lagyan ng selyo upang matiyak na hindi makapandadaya ang mga taxi owners sa mga pasahero.
Nagtakda ng dalawang araw ang LTFRB para sa calibration ng mga taxi unit para sa bagong flagdown na P30 matapos na aprubahan ng DOTC at LTFRB ang petisyon ng ATOMM. (Ulat ni Angie dela Cruz)