Kinilala ni Atty. Edmund Arugay, hepe ng NBI-NCR ang mga suspect na sina Rafael Reonir, Alvin Buboy Magora, Digoy Canega, Marlon Rodejo, Rizal Dy Nepomuceno, Jomar Salandanan at Donil Walter, pawang residente ng Ramon Cruz, GMA, Cavite.
Ang mga suspect ay namatay makaraang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng NBI-NCR, RAID at Anti-Kidnapping and Armed Robbery Division at NCRPO.
Bago naganap ang insidente, naunang pinasok at pinagnakawan ang bahay ng isang negosyanteng kinilalang si Eddie Lim sa Calamba city saka tumakas sakay ang isang get-away car na dilaw na Ford Fiera (PRJ-407).
Hinabol ng mga awtoridad ang mga suspect kung saan nakorner ang mga ito sa Southwood Gold course malapit sa Colegio de San Agustin sa Carmona, Cavite dakong alas-3:45 ng hapon.
Sa halip na sumuko ang mga suspect ay nakipagpalitan ng putok sa mga NBI agents na nagresulta sa kanilang kamatayan.
Nagsimula ang operasyon ng "Digoy Gang" sa Digos, Davao del Sur na responsable sa robbery at kidnapping hanggang sa palawakin nila ang operasyon sa ibat ibang lugar sa buong bansa. (Ulat ni Gemma Amargo)