Mister inisnab ni misis,mga anak tinangkang sunugin

Arestado ang isang 36-anyos na lalaki makaraang pagbubugbugin at tinangkang sunugin ang kanyang tatlong anak dahil lamang sa hindi ito pinansin ng kanyang misis, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa Marikina detention cell ay nakilalang si Jesus Mauricio, ng #14 Everlasting St. Olandez, Brgy. IV ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat, dakong alas-7:50 ng gabi ng umuwing lasing ang suspect galing sa inuman.

Tinawag nito ang kanyang misis na nakilalang si Carmelita Mauricio, 33 at may tinanong subalit hindi siya nito pinansin dahil abala sa gawaing bahay.

Bigla na lang nagalit ang suspect at pinagbuntunan ng galit ang kanyang tatlong anak na kasalukuyang nanonood ng telebisyon at pinagbubugbog ang mga ito.

Tinangka namang awatin ng kanyang misis ang suspect subalit imbes na magpaawat ay lalo pa itong nagalit at kinuha ang tatlong bata at dinala sa kusina. Pinasingaw nito ang tangke ng LPG at ambang magsisindi ng posporo.

Naalarma ang misis kaya agad itong humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang pigilan ang tangkang panununog ng suspect.

Naagapan naman ito ng mga kapitbahay habang hawak ang isang posporo habang nangangamoy na ang pinasingaw na gas sa loob ng bahay.

Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang suspect. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments