Ayon sa mga depositors ng First Savings Bank na matatagpuan sa CM Recto cor. Sto. Cristo Sts., Divisoria, Manila na karamihan ay mga vendors, na hindi umano sila inabisuhan ng management ng naturang bangko na magsasara na ito.
Habang isinusulat ang balitang ito, nakaantabay pa rin ang mga vendors sa pag-asang magbubukas ang bangko na pinagkatiwalaan nila ng kanilang pera at upang mabatid kung patuloy pa ang operasyon nito o hindi na.
Ayon sa mga vendors, nahikayat silang magdeposito sa nasabing bangko upang makaipon sa kinikita nila at mayroong umiikot na kolektor sa kanila na nangungolekta para ideposito sa naturang bangko.
Subalit laking gulat nila kahapon nang madiskubre ang pagsasara dakong alas-9 ng umaga nang magtungo sila rito upang mag-withdraw at natakot din ang mga depositors na baka hindi na nila makuha ang pera.
Bunsod nito kayat kahit naka-padlock na ang banko ay sumugod pa rin ang mga operatiba ng WPD upang mabantayan ang bangko sakaling pasukin ito ng mga depositors na galit na galit sa pamunuan ng bangko. (Ulat ni Gemma Amargo)