Kinilala ni Senior Supt. Leo Garra, hepe ng Caloocan Police ang mga suspect na sina Francia Carillo, 84; Janeth Diaz, 20; Barry Gabiosa, 21, bugaw at Glecerio Alegre, 34. Samantala, tinutugis pa ng pulisya ang isa pang kasamahan ng mga ito na si Renato Santos na mabilis na nakatakas sa isinagawang operasyon ng pulisya.
Ang mga suspect ay dinakip matapos ang iniharap na reklamo ni Edgardo Merillo, 35, body piercer ng 409 Brgy. 73 PNP Compound, Caloocan City na nakuhanan ng grupo ng mahigit sa P14,000.
Binanggit pa ng pulisya na matagal nang modus-operandi ng grupo ang panghoholdap sa kanilang kostumer. Laganap umano ito sa 3rd at 4th Avenue Extension.
Ayon sa sumbong ng biktima, nag-goodtime umano siya at namik-up ng babae sa may 3rd Avenue sa pamamagitan ng bugaw na si Gabiosa. Ibinigay umano sa kanya ng bugaw si Diaz at nagkasundo sa halagang P1,500 na bayad kasama na ang kuwartong kanilang gagamitin.
Sa bahay naman umano ni lola Carillo sa may Bamba Compound sa 4th Avenue siya dinala ng grupo para doon siya makipagtalik.
Pagdating sa bahay ni lola Carillo pinatira umano siya ng mga ito ng shabu bago siya nakipagtalik kay Diaz.
Nang pumasok na umano sila sa kuwarto ay bigla ding pumasok sina Alegre at Santos at doon na siya hinoldap ng mga grupo. Kinulimbat lahat ng mga suspect ang kanyang pera at mga alahas at saka tinakot na papatayin kung magsusumbong sa mga awtoridad.
Binanggit pa ng pulisya na ginagamit umano ng grupo ang bahay ni lola Carillo sa kanilang operasyon.
Kadalasang hindi nakapagsusumbong ang ilan nilang biktima dahil sa nawawalan ng ulirat dahil sa pinagagamit na shabu ng mga suspect. (Ulat ni Ricky Tulipat)