Nakilala ang mga biktima na sina Mayang Lao, 36, at ang kanyang dalawang anak na sina Tomtom, 5; at Tonton, 7. Nasawi rin ang tatlong-taong-gulang na si Janine Co, kalapit na kuwarto ng pamilya Lao sa may #137-I. A de Jesus corner Edsa, ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Chief Inspector Agapito Nacario, ng Caloocan Fire Station ang mga biktima ay pawang nakulong sa kani-kanilang kuwarto nang biglang sumiklab ang apoy dakong alas-9 ng umaga.
Dahil sa kalumaan ng 10-door apartment na pag-aari ng isang Benjamin Co, 42, kung kaya mabilis na kumalat ang apoy sa 10 kuwarto.
Napag-alaman na nagsimula ang sunog sa inuupahang kuwarto ng isang Rosalie Jamilla Co, 27, ina ng nasawing si Janine makaraang marinig ang isang malakas na pagsabog mula sa kusina ng mga ito.
Nabatid na nag-iisa sa loob ng kuwarto si Janine nang maganap ang sunog at hindi na nakalabas pa makaraang ikandado ng kanyang ina ang pinto nang mamalengke ito.
Hindi na rin nakagawa pang makalabas ng kuwarto ang pamilya Lao na nanunuluyan naman sa ikalawang palapag makaraang tuluyan nang lumagablab ang apoy.
Tumagal ng may isang oras ang sunog at tinatayang aabot sa limang milyong piso ang halaga ng ari-arian na tinupok nito. (Ulat nina Doris Franche at Ricky Tulipat)