Nakilala ang mga nadakip na sina SPO1 Eduardo Moral ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at PO3 Ferdinand de Guzman ng District Intelligence and Investigation Division (DIID).
Nabatid sa ulat na inilabas ni WPD spokesman C/Insp. Gerry Agunod, nadakip ang dalawang suspect dakong alas-6 ng gabi sa loob ng isang fastfood restaurant sa may UN Avenue, Ermita.
Nagreklamo ang biktimang si Noylan Mangune ng Byblos Manpower and Recruitment Agency sa District Police Investigation Unit (DPIU) sa pangha-harass ng dalawang pulis na nagpakilalang mga tauhan ng Task Force Hunter ng Presidential Anti-Illegal Recruitment Task Force (PAIRTF).
Nanghihingi umano ang mga ito ng halagang P200,000 upang hindi siya hulihin dahil sa umanoy iligal na pagre-recruit ng mga manggagawa sa ibang bansa na hindi naman umano niya ginagawa.
Dito agad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya kung saan nadakip sina Moral at De Guzman matapos na tanggapin ang marked money buhat kay Mangune. Nagpositibo naman sa fluorescent powder test si Moral.
Pilit namang itinago ni Supt. Co Yee Co, hepe ng CIDU ang naturang kaso sa mga mamamahayag nang hingan ito ng ulat upang hindi na mapahiya ang kanyang unit.
Kasalukuyang nakadetine naman ngayon sa WPD ang dalawang pulis habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong robbery/extortion sa mga ito. (Ulat ni Danilo Garcia)