43-anyos dedo sa parak

Nasawi ang isang lalaki makaraang barilin ng pulis na may-ari ng bar na kanyang iniinuman, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Namatay noon din ang biktima na si Melchor Prado, 43 at residente ng Blk. 2 lot 3, Veronica St., Brgy. Sta Lucia, Quezon City sanhi ng tama ng bala na tinamo sa leeg.

Agad namang sumuko sa Central Police District Criminal Investigation Unit ang suspect na si PO3 Artemio Amor, 48, ng PNP na nakatalaga sa Antipolo Police Station at naninirahan sa Tandang Sora, Quezon City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Lady Blue KTV Bar na pag-aari ng suspect sa Pinkian St., Sitio Cabuyao, Sauyo Road, Novaliches.

Napag-alaman na nagtatalo ang biktima at isang Jenny Saholga, nang bigla na lamang umanong lumabas ang suspect at dala na nito ang kanyang baril.

Walang sabi-sabing agad nitong binaril ang biktima hanggang sa humandusay sa sahig.

Matapos ang insidente ay sumuko naman agad ang suspect. Hindi naman malinaw kung ano ang motibo sa isinagawang pagbaril sa biktima. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments